Nasa siyam na produkto ang kabilang sa isang public advisory na inilabas ng Health Canada kamakailan kung saan ipinagbabawal na ang pagbenta at paggamit ng mga nasabing unauthorized skin-lightening products sa Canada.
Ayon kay Dra. Joyce Malayba, isang dermatologist sa Pilipinas at may-ari ng skin laser clinic sa Saskatoon, may peligro ang mga pagbili ng mga produktong “over the counter.”
“That makes it more dangerous kasi bibilhin mo lang ng basta-basta ng walang proper advice ng doctor or professional.”
Pinangalanan ang mga produkto mula Brilliant Skin Essentials gaya ng Rejuv Set, ilang topical creams at toners.
Tumangging magbigay ng panayam ang Health Canada sa OMNI News, pero sa isang email response sinabing maituturing daw na hazardous ang mga sangkap na nakalista sa packaging ng mga produkto.
Una ang hydroquinone, isang sangkap na pampaputi ng balat. Posible raw kasi mauwi sa “disfiguring” skin discolouration, o pagkukulay asul o itim ng balat. Hindi nila ito inirerekomenda sa kabataan, mga buntis o mga taong nagbi-breastfeed, at mga nagka-cancer. Nauugnay daw kasi ang sangkap na ‘to sa cancer, matapos ang long term exposure ng mga laboratory animals.
Pangalawa ang tretinoin na karaniwang ginagamit sa acne, na pwedeng pagmulan ng pamumula at pamamalat. Kilala ring sanhi ng birth defects.
Ayon sa Health Canada, posibleng lumala ang mga epekto kapag pinagsama-sama ang ingredients.
Paalala naman ni Dra. Malayba, dapat maging maingat sa produktong gagamitin sa inyong katawan.
“Embedded sa culture ng Pilipino na gusto magpaputi, kaya anything na mabalitaan na makakapagpa-puti, gagamitin lalo na kapag may endorser na sikat.
“Kahit nga mga nandito na sa Canada, usually gusto magpa-tan, pag mga Pilipino gusto magpaputi.”
Ayon sa Health Canada, hinarang na nila ang online sales at tinaggal na ang mga produkto mula warehouses sa Alberta.
Paalala nila, iligal ang pagbebenta ng unauthorized health products sa bansa.
Payo ni Dra. Malayba, “Make sure na mga i-apply sa balat at iinumin, kahit over the counter, make sure na magtatanong sa doctor para alam niyo kung safe ba sa inyo at interactions sa iba pang mga gamut na iniinom ninyo.”
Ineengganyo ng Health Canada ang agarang pagtigil sa paggamit ng mga nasabing produkto. Kumonsulta sa inyong healthcare professional, at pumunta sa botika para siguraduhing wasto ang pagbasura ng mga nasabing produkto.