Bago para sa karamihan ng mga international students mula Pilipinas ang pagsumite ng buwis o tax, lalo’t hindi karaniwan para sa mga kababayan ang individual tax filing.
‘Kailan ba kami mag tatax file? Kailan ba kami mag start ng tax filing, ano ba yung mga documents na kailangan namin? Kailangan ba namin ng accountant or pwede kami lang? Magbabayad ba kami?’ Ilan lang ito sa mga katanungan ng international student na si Kathryn Omila nang dumating sa Canada noong Abril 2022.
Tuwing buwan ng Pebrero o Marso kadalasang nagsisimula ang tax season. Payo ni Sonny Martinez ng CZM Tax and Accounting Services at kasalukuyang pangulo ng Association of Filipino Canadian Accountants (AFCA) sa Ontario, dapat alamin ang mahahalagang petsa ng Canada Revenue Agency tulad ng deadline sa tax filing para maiwasan ang anumang penalty o violation.
Habang maaga pa, ihanda na ang mga dokumentong kakailanganin.
‘Unang una nga yung tuition receipt, yung T-slips, and if you donate to the church you usually go kasama rin yun. Also medical expenses that are not covered by the group health insurance.’ ani Martinez.
Pasok din ngayong 2022 filing ang tinatawag na Staycation Credit.
‘if you stayed in a hotel, paid for an accommodation, airbinb, you can get credit for that as long as the stay is within Ontario or in Ontario’
Paalala ni Martinez sa mga international students na kumukuha ng dagdag income sa mga under the table o cash jobs. ‘Tax filing in Canada is based on self-assessment, based on honsety so kung meron, mga waiters mga tips, yun nga mga cash jobs, say cleaning jobs on the weekend, that should be reported as an income.’
Hinihimok niya ang mga international students, lalo na ang mga unang beses palang magsusumite ng income tax na lumapit sa mga propesyonal.
‘For this year I would go and check out yung mga free tax clinics para at least makapagfile ako ng mas maayos’ ani Omila.
May mga libreng serbisyo ang AFCA sa mga kababayang may annual income na hindi lalagpas sa 35,000 CAD.