Sa loob ng isang library sa Hamilton, Ontario, ginanap ang kauna-unahang Filipino Storytime ng Hamilton Public Library.
Ayon sa nag-organisa ng event na si Jennie Hamilton, dumarami ang mga Pilipino sa siyudad kaya naisip niyang gumawa ng programa para sa mga kabataan ngayong March Break.
“Sa Hamilton, ang residents na immigrant or newcomer background mga nasa 25 per cent na siya,” ani Hamilton.
“Pero yung mga programs namin dito sa library, it doesn’t show that there’s 25 per cent of immigrants or newcomer population and doon sa population na yun, marami ang Pilipino.”
Sa isinagawang storytime, kinanta ang ilang awiting Pilipino katulad ng Bahay Kubo at Tong Tong Pakitong. Nagbasa rin ng mga librong Pilipino ang may akda.
Nais ni Hamilton na maturuan ang mga bata ng wikang Filipino dahil mapapalawak daw nito ang kanilang oportunidad. Diin niya may ilang salitang Filipino na walang katumbas sa Ingles.
“Yung word na kilig, wala siyang equivalent sa English but it really captures what the meaning of that word means. So it’s a really good connection and it’s important that we acknowledge that also in establishing ourselves as Filipino-Canadians,” aniya.
Ikinatuwa ni Debora Layco, isang ina na dumalo, ang event na ito ng library dahil ngayon lang daw siya nakakita ng Pilipinong programa sa Hamilton.
“Six years ako dito tapos hindi ako naka-attend ng mga ganito, kahit noong nag-wo-work ako as a nanny, puro English lang lahat. Tapos ngayon, may anak na ako,” ani Layco.
Kahit nandito na sa Canada, mahalaga raw sa kanyang ipakita’t ipakilala ang kulturang Pilipino sa anak para hindi malimutan ang pinangalinggan.
“Para magkaroon siya ng kaalaman pa kung ano yung kultura natin,” aniya.
Umaasa si Layco na itutuloy ng library ang pagpapakilala at pagtampok sa kulturang Pinoy para sa lahat.
“Dapat dalasan yung ganito, hindi lang minsan,” ani Layco. “Kung pwede may section ng Tagalog books sa library.”
Wala pang plano ang Hamilton Public Library na ulitin ang Storytime sa ngayon, pero inaasahan ni Hamilton na magiging patunay ito na may pangangailangan sa ganitong klaseng events ang komunidad.