Alas singko ng umaga sa Toronto at ang haring araw ay sumisikat na. Walang patid ang pagtunog ng mga alarm clock, hudyat sa maraming tulog pa ang diwa na bumangon na para sa panibagong araw ng pakikibaka.
Isa na dito ang Pilipinang si “Carmen” na labing-pitong taon na sa Canada, pero di tulad ng nakararaming kababayan, hindi lang isa, hindi lang dalawa, kung di tatlo ang trabahong kanyang iginagapang, dalawampung oras sa isang araw, pitong araw sa isang linggo.
Hiniling nya na itago ang kanyang tunay na pagkakakilanlan para sa kanyang kaligtasan pero buong loob nyang ipininta ang buhay ng mga migranteng tulad nya na kailangang kumayod ng tatlong trabaho o mahigit pa, isang realidad sa buhay ng milyong mga manggagagawa sa Canada na dapat kilalanin at maalala lalo na ngayong pandaigdigang araw ng mga manggagawa.
“Apat na oras lang ang aking tulog. Wala ako day-off” ani Carmen na ang mga full-time na trabaho ay pagiging serbedora sa isang coffee shop at pag-aalaga ng mga bata, habang may part-time din na paglilinis naman sa mga tahanan.
Pero bakit nga ba tila hindi sumasapat ang isang trabaho lamang sa mga migranteng tulad nya sa bansang mayaman naman ang ekonomiya, at bansang tinatawag ng marami na lupain ng oportunidad at pag-asa?
Si Carmen ay nakatira sa Toronto, kung saan marami ang trabaho, pero isa, kung di man ang pinaka, sa may mataas na cost-of-living sa buong bansa. Pinakamabigat nyang gastusin ang bayad sa upa, at dahil sa inflation, malaki na rin ang kanyang inilalabas sa pagbili ng mga pagkain.
Bukod dyan, siya ay nagpapadala din ng pera sa Pilipinas para sa kanyang ina at kapatid na may kapansanan. Ito ay isang gastusin na wala sa mga hindi immigrant, pero salapi na dapat balikatin ng mga migranteng nagmumula sa mga mahihirap na bansa.
“Ang aking ina ay 80 taong gulang na, at may kapatid din akong may kapansanan. Nagpapadala ako ng pera sa kanila linggo-linggo. Minsan tinutulungan ko rin ang aking mga kapatid at kanilang pamilya”, sabi ni Carmen.
Labing-pitong taon na nyang ginagawa ito, posibleng dahilan kung bakit hindi pa sya nawawalan ng loob na ipagpatuloy ang sobrang pagtatrabaho. Ngunit aminado si Carmen na ang kanyang tatlong trabaho ay nakakapekto na rin sa kanyang pagkatao.
“Social life, sa pamilya at personal ko, wala, as in zero social life, walang day off eh”, sabi ni Carmen.
Sa patuloy na paglaki ng kanyang mga bayarin, sa mahirap na ekonomiya ngayon at sa pagpapadala ng pera sa Pilipinas na hindi maaring mahinto, ipinagdarasal ni Carmen na sana’y kayanin pa ng kanyang katawan ang hirap at pagod nang dalawampung oras na pagtatrabaho araw-araw.
“High blood ko nasa border line na, iyon ang hindi Maganda, dahil minsan kulang sa tulog at pagod ang katawan. Binibigyan ko ng time na matulog talaga, pero yung iron ko is mababa, last time talaga as in nag red (level) na yan, yung hemoglobin system ko hindi na maganda”, kwento ni Carmen.
NAWAWALA ANG KALIDAD NG BUHAY
Ayon kay Liezl Sebial, isang pinay social worker sa Ontario, marami sa mga migranteng Pilipino ang dumating din sa Canada nang may mga utang na iniwan sa Pilipinas, halaga na kanilang ginamit para makapagsimula ng buhay lalo’t wala pa silang karanasan sa pagtatrabaho sa Canada at credit history na maaari nilang sandalan.
“Wala silang pagpipilian. Hindi sila mabubuhay kung hindi sila magtatatrabaho ng marami. Sinugal na nila ang kanilang buhay sa Pilipinas para pumunta dito, kaya kailangan nilang patunayan sa kanilang sarili na tama ang naging desisyon ko, kaya gagawin ko ang lahat para mabuhay dito”, ani Sebial.
Dagdag nya, “may mga kakilala ako na sa sasakyan na natutulog, sa sasakyan na nagpapalit ng damit kasi
mula sa unang trabaho didiretso sa pangalawa, pagkatapos ay sa pangatlo. Uuwi lang ng bahay magdadala lang ng labada, pagkatapos at ganun ulit, diba? Nawawala na ang magandang kalidad ng buhay.”
Ang mas masama pa ayon kay Sebial, ang pagtatatrabaho ng halos hindi na umuuwi ng bahay, malaki ang nagiging epekto sa relasyon sa pamilya lalo na sa asawa at mga anak.
“Maari itong magdulot ng mga problema sa bahay, lalo na sa mag-asawa, na maaring magka-relasyon sa ka-trabaho, at duon magsisimulang masira ang pamilya”, ani Sebial.
“Ang epekto sa mga bata ay malaki. Ilan sa kanila ang napupunta sa maling barkada, ang iba nalululong sa droga, habang ang ilan nag-aasawa ng maaga dahil hinahanap-hanap nila ang pamilyang di nila naranasan”, dagdag nya.
MASAMANG EPEKTO SA PISIKAL AT MENTAL NA KALUSUGAN
Ayon kay Dr. Ben Pangilinan Jr., isang doctor mula sa Vaughan, Ontario, karaniwan sa mga taong marami ang trabaho ang nakikitain ng malalang sakit kalaunan.
“Marami sa kanila nagsisimula na ang diabetes, ang hypertension at obesity, mabigat ang pangangatawan. Marami din ang may problema sa pagtulog, may sleep apnea, at problema sa pag-iisip tulad ng depresyon at pagkabalisa” ani Dr. Pangilinan.
Nagbabala si Pangilinan na marami sa mga sakit na ito ay nakamamatay kung hindi agad malulunasan.
“Kapag ang diabetes ay hindi na kontrolado, maari ito maging sanhi ng mga problema sa puso, tulad ng heart attack at stroke, maaari ding maging sanhi ng kidney failure na kakailangan pa nang dialysis. Nakamamatay ang mga sakit na ito kung hindi makokontrol ng maaga”, paliwanag ni Dr. Pangilinan.
Sa isang pag-aaral ng University College of London noong 2015, lumabas na ang mga taong nagtatrabaho ng mahigit sa 55 na oras kada linggo ay may 13 porsyento tsansa na makaranas ng heart attack, at 33 porsyento na makaranas ng stroke. Sa sumunod na taon, inilabas ng World Health Organization (WHO) at International Labour Organization (ILO) ang kanilang datos na 1.9 milyong katao ang namatay sa mundo dahil sa mga sakit at pinsala na may kaugnayan sa pagtatrabaho.
WALANG IPON SA BANGKO
Ayon naman kay Bayani Nadua, isang financial professional mula sa North York, Ontario, marami rin sa mga migranteng marami ang trabaho ang walang naiipon sa bangko. Ito’y dahil sa ibat-ibang kadahilanan tulad nang magarbong pamumuhay, sobrang paggastos at kawalan ng tamang kaalaman sa paghawak ng pera sa Canada.
“Ang dapat talagang gawin ay mag-budget, magkaroon ng buwanang budget” ani Nadua.
Dagdag nya, “ang karaniwang gawi dyan ay mag-ipon kada buwan hanggang sa umabot ang ipon ng tatlo hanggang anim na buwan ng kabuuang halaga ng iyong sweldo.”
“Bukod sa pag-iipon, alamin din kung ang sistemang pang-pinansyal ng Canada, paano magandang ipon at pag-aralan ang lahat ng mga bagay na kaakibat nito” paliwanag ni Nadua.
MAHIRAP NA PAGTIMBANG SA SITWASYON
Naniniwala si Sebial na mahirap para sa mga kababayang katulad ni Carmen ang timbangin ang kanilang sariling sitwasyon lalo na kung sila’y naiipit sa maraming bayarin at gastusin, habang nasa gitna naman ng ekonomiya kung saan tumataas ang lahat ng presyo.
“Pagkatapos ng pandemya, marami ang napagtanto sa kanilang saili na ang magandang kalidad ng buhay ay ang may magandang kalusugan at magkakasamang pamilya, dahil ang mga materyal na bagay ay nawawala. ”
Sa labing-pitong taong animo’y parang makina na nagtatrabaho, hindi ikinakaila ni Carmen na sya ay pagod na. Pero sya’y hihinto lamang daw kapag mahina na at hindi na kaya ang magtrabaho ng dalawampung oras sa isang araw.
“Ang masasabi ko sa sarili ko siguro, ‘Good Job! Nakatulong ka, napapunta mo dito yung pamilya mo, at least kahit papaano hindi ganoon kahirap ang buhay kumpara sa iba. Hindi naman mayaman, pero kahit paano nakakain mo gusto mo, nakakatulong ka, nakaka-ipon ng kaunti. Good job to me!”
ISANG MILYON SA CANADA
Sa datos ng Statistics Canada noong Agosto ng 2023, nasa isang milyong manggagawa sa bansa ang may maraming trabaho, at karaniwan sa kanila ay mga migrante.
Mahigit kalahati sa mga dumating na migrante sa nakalipas na sampung taon, pinagsa-sabay-sabay ang maraming trabaho para makaagapay din sa tumataas na presyo ng mga bilihin. Sa mga racialized Canadians, ang may mga multiple jobs ay mataas ang bilang sa mga Black, Arab, Latin American, at Pilipinong mga manggagawa.
Sa nakaraang survey ng Angus Reid Institute, Enero ng 2024, tatlo sa bawat limang Canadian ang hindi na raw makasabay sa mataas na cost-of-living sa bansa, habang marami sa mga nangungupahan ang naniniwalang mababa ang kalidad ng kanilang buhay kumpara sa mga naninirahan sa mga tahanan ayon sa datos ng Statistics Canada.
Sa isang panayam ng programang Breakfast Television sa CityTV, hindi itinanggi ni prime minister Justin Trudeau ang katotohanan na tila humirap ang buhay sa Canada matapos ang pandemya, pero nangako syang gagawin ng kanyang gobyerno ang lahat para mai-angat ng buhay ng mga Canadians.
“Nasa mahirap na katayuan ngayon ang buong mundo, at mahirap ang sitwasyon para sa mga Canadians lalo na sa presyo ng mga bilihin, problema sa pabahay, at iba pang mga suliranin na tinatrabaho na namin” ani Trudeau.
Mapapanood na ang buong 30 minuto at walang commercial break na special report ng OMNI News na pinamagatang “Hustle Queen” simula sa Mayo 1, 8:30 ng gabi sa OMNI Television. Magkakaroon din ito ng replay sa mga sumusunod na iskedyul: May 5 sa ganap na 8:30 p.m.; May 8 sa ganap 6:30 a.m.; May 16 sa ganap na 12:00 p.m.; at May 19 sa ganap na 8:30 p.m.